Noong Hunyo 21, 1896, Si Jose Rizal ay binisita ni Dr. Pio Valenzuela sa Dapitan, upang ipaalam sa kanya ang binabalak na pag-aalsa ng mga Katipuneros sa pangunguna ni Bonifacio. Ngunit hindi sumang-ayon si Rizal at tahasang sinabi ang kanyang pagtutol dito. Ayon sa kanya, ang rebolusyong kanilang binabalak ay magiging sanhi lamang ng kamatayan ng maraming Pilipino at hindi ng inaasam-asam na kalayaan. Hindi pa raw lubusang handa ang mga Pilipino na labanan ang mga dayuhang mananakop, ang mga mararahas na Espanyol. Ngunit ayon kay Valenzuela ay hindi na maiiwasan ang rebolusyon, sisiklab at sisiklab ito, lalung-lalo na kung malalaman na ng mga Espanyol ang binabalak nilang ito. Ika nga "walang sikretong hindi nabubunyag."
Dahil dito napagtanto ni Rizal na determinado na talaga ang mga pinuno ng rebolusyon sa bibabalak nitong pag-aalsa. Kaya inutusan niya si Valenzuela na hingin muna nila ang suporta ng mga mayayaman at mga maimpluwensiya sa Manila upang mapalakas at mapagtibay ang kanilang mga binabalak.
Samakatuwid wala ring nagawa si Rizal upang pigilan ang umuusbong na pag-aalsa, sa halip ay binigyan pa niya ng payo si Valenzuela kung paano mapagtitibay ang binabalak ng mga rebolusyonaryo.
..............
Kung Ikaw si Rizal, susuportahan mo ba ang rebolusyon?
Kung maibabalik ko man ang panahon at mababago ang aking katauhan at maging si Rizal, at kung maririnig ko man ang mga binitiwang salita ni Valenzuela. Iisa lang ang magiging sagot ko, "kaakibat niyo ako sa bawat laban para sa bayan."
Bakit? Sapagkat ayon na nga sa tunay na Rizal hindi pa sapat ang kakayahan ng mga Pilipino upang lumaban at kailangan pa ang suporta ng mga mayayaman at ng mga maimpluwensiya. At kung ako, bilang Rizal ay ipagkakait ang aking pagsang-ayon, mas lalo lamang mababawasan ang disin sana'y pinagkuhanan ng lakas ng mga Pilipino.
Oo nga't, di sapat ang mga armas ng mga Pilipino at di pa sapat ang kakayahan at ang kagamitan sa pakikipaglaban, ngunit kung di rin kikilos agad at maghihintay pa sa pag-unlad ng kakayahan ng bawat isa, baka di pa nga ito nakakamit ay kapwa nakahinto na ang pagpintig ng mga puso ng bawat isa. Sapagkat ang mga Espanyol, dahil sa pagiging gahaman, ay mismong buhay na ng mga Pilipino ang kinuha. Ika nga "kung magagawa naman natin ngayon,bakit ipagpapabukas pa."
Samakatuwid, bilang Rizal na nakakaangat sa kaalaman at pagmamahal sa bayan. Mas gugustuhin kong ako mismo ang sumuporta at magpalakas ng loob ng aking mga kababayan kaysa maghintay pa sa ibang mga mayayaman at maimpluwensiya na wala rin namang kasiguraduhan na susuporta.
At isa pa hindi ko rin masisikmurang makita ang aking mga kababayan na naghihirap sa kamay mg mga dayuhan na kung tutuusin ay wala namang karapatan sa kanilang tinatapakang lupa.
Oo, inaamin kong hindi lamang dahas ang sagot sa pagtamo ng kalayaan ngunit hahayaan na lang ba natin na tayo ay makaranas ng karahasan galing sa mga Espanyol?
Ayon kay Antonio Pigafetta, tayo ay mabalasik,di-sibilisado, mabangis at kung ituring tayo'y parang mga hayop, ngunit kung tutuusin tama bang tawagin tayo ng ganun, tayo na tinaggap sila sa ating lupain, samantalang sila, na kung tutuusin ay nakikitira lamang ay siya pang nang-aalipin at bumibihag sa atin.
At kung patuloy tayong magpapaubaya, makakamit ba natin ang kalayaan? Sa ugali ng mga Espanyol noon, ay di sapat ang salita lamang. Kaya nararapat lamang na may gawin tayo. At ano ito? Puwersa. Oo, para sa akin ay ito nga, sapagkat naniniwala ako na mas mabuti pang mamatay ng may ipinaglalaban kaysa manitiling naghihirap sa kamay ng mga mapang-api at mapang-aliping dayuhan.
Bilang patunay, gawin nating halimbawa si Lapu-lapu sa simula pa lang ay hindi na niya hinayaan na masakop ang kanyang mga nasasakupan at upang magawa ito, nakipaglaban siya kahit pa sa kabila ng katotohanang kailangan niyang ibuwis ang kanyang buhay at maging ng kanyang mga tauhan. At kapalit nga nito'y kamatayan at pagwawakas ng pananakop ni Magellan.
Nariyan din ang mga Muslim sa Mindanao, na sa loob ng maraming taon ay naging marahas sa mga dayuhan. Oo nga't marami sa kanila ang nagbuwis ng buhay ngunit ano ang naging kapalit, ang kanilang kalayaan at pananatili ng kanilang mga iniingat-ingatan at pinahahalang tradisyon at kultura magpasahanggang ngayon.
Samantalang ang iba sa atin na naging bukal ang pagtanggap sa kanila, ay ano ang nangyari? Naging alipin, sunud-sunuran na para bang kanilang mga pagmamay-ari. Makatao pa ba iyon? di ba hindi?
At kung tayo man ay maging marahas sa kanila, makatarungan pa rin itong maituturing sapagkat tayo ay may ipinaglalaban, hindi lamang para sa ating sarili kundi pati na rin sa mga susunod pang henerasyon.
At kung naging maaga pa ang pakikibaka, disin sana'y di tayo umabot sa punto na mismong kapwa natin Pilipino ay ating kalaban tulad ng mapasahanggang ngayon ay ang suliranin sa pagkakahati ng mga Pilipino, ng mga Kristiyano at Muslim.
Dapat noon pa man ay naging mapagmasid na tayo, na tayo ay nililinlang lamang at hidi inaakay tungo sa ating kaunlaran. Tayo ay pinakaitan ng kalayaan at upang makamit ito?
Dapat ay kumilos tayo. Hidi bukas, kundi NGAYON.
-guti-
0 comments:
Post a Comment