Bakit at paano nga kaya nila nagawang magtagumpay?
Tiyak ko na marami ang kadahilanan sapagkat nasakop nga nila tayo sa loob ng napakahabang panahon.
Sa panahon ng kolonisasyon, makikita na nagkaroon ng sentralisadong pamahalaan sa bansa. Ang pagbubuwis, sapilitang paggawa, sistemang encomienda, at kalakalang galleon ay ilan lamang sa mga patakarang ipinatupad ng mga Espanyol. Naimpluwensyahan din tayo ng mga dayuhan sa ating salita, pagkain, pananamit, kultura, at mga paniniwala. At marahil ay alam ng lahat na ipinalaganap nila ang relihiyong Kristiyanismo o Katolisismo sa ating bansa.
Sa aking palagay, ang Kristiyanismo ang naging daan tungo sa tagumpay ng Espanya. Sa panahong iyon, wala namang ibang organisadong relihiyon ang mga katutubong Pilipino maliban sa lumaganap na Islam sa Timog. Ang simbahang Katoliko at ang pamahalaan ay magkaagapay sa pagpapatupad sa mga polisiya. Nagsisilbing tagpagpatayo ng mga panrelihiyong gusali at institusyon ang gobyerno kaya lalo pang napabilis and pagpapalaganap sa Katolisismo. Nagkaroon din ng Spanish-Tagalog na Doktrinang Kristiyano, gawa ni Padre Juan de Placencia, na nakatulong sa mas madaling konbersiyon ng populasyon sa Maynila.
Ang totoo ay mas marami pa nga ang mga pari at mga misyonaryo kaysa sa mga sundalo at guwardiya sibil sa bansa sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Kung tutuusin, higit na mas malaki ang populasyon ng mga katutubo. Ngunit sa kabila nito, wala pa ring nagawa ang mga Pilipino upang tahasang malabanan ang mga mananakop sa kanilang panggigipit at pagpapahirap. Sa aking palagay, naging mautak lang talaga ang mga Espanyol sa pamumuno.
Sa aking obserbasyon, malaki ang papel ng paniniwala sa pagkatao ng isang indibidwal. Kapag ang utak at damdamin ang naiimpluwensyahan, maaaring magkaroon ng mga pagbabago ukol sa iyong mga pinaniniwalaan. Sa kabilang banda, sa tingin ko, mabuti naman ang naging kabuuang epekto ng relihiyong Kristiyanismo sa atin. Sa ngayon, nadudulot ito ng pagkakaisa, kahit papaano, sa mga mamamayang Pilipino sa panahon ng krisis at kahirapan.